-- Advertisements --

LA UNION – Patay ang isang opisyal ng New People’s Army (NPA) matapos umano itong manlaban sa mga kawani ng pulisya at militar habang isinilbi ang warrant of arrest sa Brgy. Moriones, bayan ng San Jose, Tarlac.

Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo mula sa 7th Infantry Division (7ID) ng Philippine Army, nakilala ang nasawi na gumagamit o nagtatago sa mga alyas Bo, Bert, at Roman na nagsisilbi umanong finance officer ng Komiteng Larangang Gerilya (KLG) na nag-o-operate sa mga lalawigan ng Tarlac at Zambales.

Humaharap umano sa patung-patong na kasong kriminal ang nasawing opisyal ng NPA.

Narekobre ng mga otoridad mula sa naturang lugar ang isang M16 rifle na mayroong mga magazines, isang bandoleer, isang pistol, at isang backpack na naglalaman ng personal na gamit ng napatay na wanted person.

Samantala, arestado naman ang sinasabing pinuno ng NPA’s Regional White Area Committee (RWAC) ng Central Luzon Regional Committee (CLRC) na si Jose Bernardino sa Mexico, Pampanga.

Si Bernardino na gumamit umano ng mga alyas na Rico, Oying, Raffy, Randy, at Code Name Ali ay kabilang umano sa mga notorious na namumuno sa grupo ng extortion activities at pagre-recruit sa mga kabataan sa urban areas ng Central Luzon.

Mayroon ding warrant of arrest ang nabanggit na opisyal ng NPA at naaresto ito ng pulisya at militar habang nakasakay ito sa tricycle.

Nakumpiska mula sa pag-iingat ni Bernardino ang isang .45-caliber pistol, isang hand grenade, limang cellular phones, Toshiba laptop, NPA flag, at mga subersibong dokumento na nakalagay sa loob ng kanyang bag.

Dahil sa mga magkasunod at matagumpay na operasyon ay naniniwala ang 7ID na mas lalong hihina ang pwersa ng NPA sa bahagi ng Central Luzon.