-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Nagdulot ng takot sa mga sibilyan nang magkasagupa ang mga miyembro ng New People’s Army (NPA) at militar sa probinsya ng Cotabato.

Ayon sa ulat ng 901st Brigade na habang nagpapatrolya ang tropa ng 39th Infantry Battalion Philippine Army sa Sitio Kapatagan, Barangay Luayon, Makilala, North Cotabato nakaengkwentro nito ang mga NPA.

Tumagal nang kalahating oras ang palitan ng bala sa magkabilang panig gamit ang mga matataas na uri ng armas.

May ilang pamilya ang pansamantalang lumikas sa takot na maipit sa kaguluhan.

Umatras ang mga NPA nang matunugan ang paparating na karagdagang pwersa ng militar.

Walang nasugatan sa mga sundalo ngunit may mga sibilyan ang nagkompirma na isa sa mga NPA ang nasawi at dalawa ang nasugatan.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang combat clearing operation ng 39th IB laban sa mga NPA sa ilalim ng Guerilla Front Committee 72 sa bayan ng Makilala, Cotabato.