CAGAYAN DE ORO CITY – Sugatan ang isang miyembro ng New People’s Army (NPA) at narekober ng militar ang halos 10 matataas na uri ng mga baril matapos ang engkuwentro sa Kitanglad-Kalatungan Complex, western Bukidnon.
Ito ang binanggit sa Bombo Radyo ni 403rd Infantry Battalion, Philippine Army commander Col. Ferdinand Barandon kaugnay sa anim na sunod-sunod na sagupaan na pinamunuan ng 1st Special Forces Battalion laban sa hindi pa matukoy na bilang ng mga rebelde partikular sa bayan ng Talakag, Bukidnon.
Inihayag ni Barandon na kabilang sa mga nabawi ng kanilang tropa ang AK-47 rifle, M203 rifle grenade, M-16 at marami pang improvised firearms kasama ang ibang kagamitang pagdigma ng mga rebelde.
Dagdag ng opisyal na bagamat hindi narekober ng tropa ang rebelde na napaulat na sugatan sa engkuwentro subalit pinanindigan rin nila na walang anumang casualty mula sa panig ng gobyerno.
Una rito, binuhusan ng malaking puwersa ng AFP ang lugar dahil sa sunod-sunod na pananambang ang ginawa ng NPA.
Pinakahuli rito ay ang paglusob ng mga rebelde sa isang amusement area na pagmamay-ari ng retiradong sundalo sa nabanggit na bayan.