CAUAYAN CITY- Naitala nitong Lunes ang kauna unahang nagpositibo sa COVID19 virus sa Cabatuan, Isabela .
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Charlton ”Tonton” Uy ng Cabatuan Isabela, sinabi niya na naitala nila ang kauna-unahang kaso ng nagpositibo sa COVID19 virus.
Ito ay sa katauhan ng isang overseas Filipino worker, 35 anyos na nagtrabaho mula South America.
Nanatili ng ilang araw sa Echague, Isabela ang OFW bago kinuha ng mga kawani ng Municipal Health Office ng Cabatuan para I-quarantine sa kanilang quarantine facility sa Diamantina National High School.
Dalawang beses na isinailalim sa rapid test ang naturang OFW na nagpositibo kayat isinailalim sa swab test na positibo rin ang resulta.
Malakas ang pangangatawan ng naturang OFW at asymptomatic.
Pinawi naman ni Mayor Uy ang pangamba ng mga mamamayan dahil hindi nakauwi sa Barangay Saranay, Cabatuan, Isabela ang nasabing OFW kundi na-iquarantine sa kanilang quarantine facility.
Inaantay na nila ang susundo na mula sa Cagayan Valley Medical Center sa nasabing pasyente.
Isasailalim na rin sa swab test ang mga roommate ng ngpositibo sa virus sa Diamantina National High School para matiyak kung sila ay nahawaan o hindi.