Tuloy-tuloy daw ang pakikipag-ugnayan ngayon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isang bangkong target din ng hacking.
Kasunod na rin ito nang pagkakahuli sa limang indibidwal na sangkot sa hacking ng BDO noong buwan ng Disyembre.
Ayon kay NBI Cybercrime Division Head Victor Lorenzo, lumalabas sa kanilang imbestigasyon na mayroon pa raw isang bangko ang punterya ngayon ng mga hackers.
Hindi muna ito pinangalanan ng NBI para hindi malagay sa alanganin ang naturang bangko.
Kung maalala, isinalang na sa inquest proceedings sa harap ng Office of the Prosecutor General ang tatlo sa limang mga indibidwal na sangkot sa hacking incident.
Kinilala ang dalawa dito bilang sina Ifesinachi Fountain Anaekwe o alyas Daddy Champ at Chukwuemeka Peter Nwadi na kapwa mga Nigerian nationals, habang ang isa naman ay kinilala bilang si Jherom Anthony Taupa y Diawan.
Sa inilabas na statement ng NBI ay mahaharap sa kasong Trafficking in Unauthorized Access Devices ang dalawang Nigerian nationals sa ilalim ng Section 9 ng Republic Act 8484 o ang Access Devices Regulation Act of 1998.
Habang mahaharap naman sa kasong Misuse of Devices sa ilalim ng Section 4(a)(5)(i)(aa) ng Republic Act 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012.
Sa ngayon, tinutunton na raw ng NBI ang mas marami pang mga suspek na sangkot sa hacking ng BDO Unibank accounts noong buwan ng Disyembre noong nakaraang taon.
Sinabi ni Lorenzo, nakilala na raw kasi ng mga otoridad ang mas marami pang mga indibidwal na mayroong koneksiyon sa naturang insidente na nakaapekto sa 700 BDO Unibank clients.
Ang mga naarestong indibidwal ay bahagi ng Mark Nagoyo heist group.
Ang dalawang Nigerian citizens ay naaresto sa entrapment operation na isinagawa ng NBI-Cybercrime Division sa Mabalacat city, Pampanga noong Enero 18.