BAGUIO CITY – Inaasahang darating bukas, Mayo 29, ang unang batch ng mga Filipino workers galing Myanmar.
Ito’y dahil pa rin sa lumalalang sitwasyon doon mula nang magsimula ang kudeta noong Pebrero.
Iniulat sa Bombo Radyo Atty. Jobert Pahilga na mandatory o sapilitan ang ipinatupad na repatriation ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa mga overseas Filipino workers (OFW) sa gitna ng posibilidad na pagsiklab umano ng civil war.
Bumuo na kasi ng kani-kanilang defense force ang mga grupong tumutuligsa sa pamumuno ng militar.
Pagbabahagi ng abogado, halos araw-araw ay nakakarinig sila ng tunog na mga pagsabog ng bomba mula sa magkabilang panig na nagresulta sa pagkasawi ng isang lider ng militar sa pamamagitan ng isang suicide bomber.
Dagdag ni Atty. Pahilga na kabilang sa mga pinasabog ang isang malaking bangko dahilan para mahirapan silang makapag-withdraw at nalimitahan pa ang bilang ng mga taong lalabas.
Sa inisyal na datus, aabot na sa 881 aktibista ang nasawi at libu-libo na rin ang ikinulong ng mga militar.
Hinihintay din umano niya ang kanyang proyekto sa Myanmar upang makasama sa susunod na batach ng mga Pilipinong uuwi sa Pilipinas dahil sa pangambang sa Myanmar pa sila mapapahamak.
Sa datos ng DFA mula pa noong Hunyo 2020, aabot sa 1,300 ang mga Pilipino sa Myanmar kung saan karamihan ay nagtatrabaho bilang supervisors ng manufacturing industry at sa United Nations at iba pang international organizations.