-- Advertisements --

DAVAO CITY – Isinailalim na sa state of calamity ang isa pang barangay sa lungsod ng Davao matapos makumpirma na kumalat na sa lugar ang African Swine Fever (ASF) virus.

Sa ginanap na special session ng 17th Davao City Council, inaprubahan na rin ng konseho ang mahigit sa P32-milyong calamity fund bilang financial assistance para sa mga sa hog raisers sa Barangay Inayangan, Calinan District.

Paliwanag ni City Veterinarian Dr. Cerelyn Pinili na mas malaki ang naturang halaga dahil mas maraming mga baboy umano ang tinamaan ng sakit.

Nagmula umano ang naturang pondo sa Quick Response Fund (QRF) ng lokal na pamahalaan ng lungsod para sa taong 2020.

Sa nasabing halaga, mahigit P27-milyon ang magsisilbing financial assistance para sa mga nag-aalaga ng baboy, samantalang P5-milyon naman ang para sa pambili ng disinfectants, spray equipment at iba pa para mapigilan ang pagkalat ng sakit sa ibang lugar.

Una nang binigyan ng financial assistance ang Barangay Lamanan at Domingga sa Calinan na nagkakahalaga ng P20-milyon matapos makapagtala ng ASF cases.