CAGAYAN DE ORO CITY – Magkasubukan ng puwersa ang matagal nang magka-alyado ng politika sa pagitan nina incumbent City Mayor Rolando ‘Klarex’ Uy at dating City Mayor Atty. Oscar ‘Oca’ Moreno sa Cagayan de Oro City para sa 2025 midterm elections.
Tuluyan na kasing naghain ng kanyang sertipiko de kandidatura si Moreno kasama ang alyansa ng local Padayon Pilipino political party upang tapatan ang re-election campaign ni Uy para sa kanyang pangalawang termino.
Sinabi ni Moreno na ang umano’y mismanagement ang pangunahing dahilan kung bakit napasabak muli ito pagtakbo para wakasan umano ang pamumuno ng dati nitong kaalyado na si Klarex.
Iginiit ng dating alkalde na payapa na sana ang kanyang buhay mula nang nagtapos ang termino noong taong 2022 subalit dahil umano sa pang-uudyok ng political supporters nito ay tinanggap ang hamon dahilan na nabuo ang alyansa para banggain ang kuwalisyon na ONE KAGAYAN-AN,KAUBAN ANG KATAWHAN ni Uy at Cagayan de Oro District 2 Congressman Rufus Rodriguez.
Magugunitang sina Moreno at Uy ay higit isang dekadang magka-alyado sa politika at kalaban ang Partido Padayon Pilipino ng pamilya Emano kasama si Cong.Rufus subalit sa paparating na halalan ay nagkapalitan na naman ng political alignment.
Napag-alaman na marami ang nagulantang sa biglaang re-alignment ng puwersa ng Moreno camp at local party na Padayon Pilipino na unang itinatag ng tinaguriang ‘political kingpin’ na si late City Vicente ‘Dongkoy’ Emano.