Isa pang PNP personnel ang nagpositibo sa nakamamatay na virus ang COVID-19.
Sa ngayon tatlong pulis na ang kumpirmadong infected ng coronavirus.
Ayon kay PNP spokesperson B/Gen. Bernard Banac, ang ikatlong pulis ay 35-anyos at nakadestino sa Pasay City Police Office (PCPO).
Kahapon inilabas ng Research Institute for Tropical Management (RITM) ang resulta.
Sinabi ni Banac naka-self quarantine at nasa isolation rooms na ang tatlo habang inoobserbahan ng mga PNP doctors.
Pumalo na rin sa 1,228 na mga pulis ang Person Under Monitoring (PUM) kung saan 246 dito ay mga police commissioned officers at ang iba ay mga police non-commissioned officers.
Nasa 97 police personnel naman ang itinuring na Persons Under Investigation (PUI).
Pahayag pa ni Banac, naka-self quarantine na rin ang mga nasabing personnel pending sa magiging rekomendasyon ng DOH na ang mga ito ay isailalim na sa testing.
Siniguro ni Banac, na istriktong ipinatutupad na ng PNP ang ilang mga hakbang gaya ng kanilang biosafety plan para hindi na kumalat pa ang virus sa hanay ng mga alagad ng batas.