Nagpadala umano nang surrender feelers sa Manila Police District (MPD) ang isa sa tatlong suspek sa Castillo hazing case na si Antonio Trangia, ama ni Ralph na kasalukuyang nasa Amerika.
Ayon kay MPD director C/Supt. Joel Coronel, nakatanggap sila ng surrender feelers mula sa nakatatandang Trangia.
Si Antonio Trangia ay miyembro rin ng Aegis Jvris Fraternity, na siyang registered owner ng red Mitsubishi Strada na may plate number ZTV 539, kung saan isinakay ang biktima ng hazing na si Horacio “Atio” Castillo III patungong Chinese General Hospital.
Sinabi ni Coronel na hinihintay nila ang paglutang ni Antonio Trangia at nangako rin daw ito na pati ang ginamit na sasakyan ay kaniyang isusuko sa mga otoridad.
Umaasa naman si Coronel na lalantad na si Antonio Trangia bukas, bago pa man ang Senate hearing.
Primary suspect din ang anak nito na si Ralph Trangia na kasakuluyang nasa Chicago.
Ibinunyag ni Coronel na posibleng madawit sa kaso ang ina nito sa sandaling mapatunayan na tinulungan nitong makaalis ng bansa ang anak.
Habang si John Paul Solano, ang ikatlong suspek ay sumuko na noong Biyernes kay Sen. Panfilo “Ping” Lacson.
Sa ngayon ay apat pang indibidwal na may kaugnayan sa Castillo hazing ay nakipag-ugnayan na rin daw sa MPD at maging sa Department of Justice.
Una rito, pasado alas-10:00 kaninang umaga nang magtungo sa MPD ang mga magulang ng hazing victim na sina Mr. and Mrs. Carmila Horacio Castillo Jr., sa Homicide Division.
Ito ay para makipagkita sana at kausapin si Solano, sa kauna-unahang pagkakataon matapos sumuko noong Biyernes kay Senator Lacson.
Gayunman, hindi nakausap ng mag-asawa si Solano dahil tumanggi ito.
Sinabi ni Coronel, batay sa pahayag ni Solano ay kakausapin lamang niya ang mag-asawang Castillo kapag kasama nito ang kaniyang legal counsel.
Mahigit isang oras naghintay ang mag-asawang Castillo pero walang counsel ni Solano ang dumating kaya nagdesisyon na lamang umalis.
Sinabi ni Coronel na biglaan ang pagtungo sa MPD ng mag-asawang Castillo at hindi nila ito inasahan.
Bukas, nakatakdang isailalim sa inquest proceedings si Solano na nananatiling primary suspect sa kaso.
Umaasa naman ang mag-asawang Castillo na makakausap nila si Solano sa gagawing pagdinig bukas sa Senado.
Una nang sinabi ni Ginang Carmina Castillo na nais nilang makaharap ang mga suspek na nasa likod ng pagkamatay ng kanilang anak upang malaman kung ano ang sinabi ng kaniyang anak habang nag-aagaw buhay ito.
Namatay ang 22-anyos na si Atio dahil sa massive heart attack mula sa extreme violence.
Itinanggi naman ni Solano na kabilang siya sa mga indibidwal nasa hazing rites at sinabi nito na tinawagan lamang siya para dalhin sa ospital si Atio.
Sa kabilang dako, naglabas na rin ang MPD ng red notice sa International Police (Interpol) kaugnay sa isa pang suspek na nakalabas ng bansa na si Ralph, isang araw matapos ang insidente.
Kinumpirma ni Coronel na kanilang sasampahan ng kasong obstruction of justice ang mga magulang ni Ralph na silang nag-facilitate o nag-asikaso para makaalis ng bansa ang kanilang anak.
Nakipag-ugnayan na aniya sila sa kanilang counterpart maging sa Federal Bureau of Investigation para maaresto ang nakababatang Trangia na napaulat na nasa Amerika na.
Batay naman sa nakuhang impormasyon ng MPD sa Taipei Economic and Cultural Office, mula Metro Manila ay dumaan lamang si Trangia sa Taiwan kung saan ito nag-transit flight patungong Chicago.
Tiniyak ni Coronel na may mga ginagawa na silang hakbang para madakip ang iba pang mga suspek na at large pa rin.
Nasa anim na miyembro ng Aegis Juris Fraternity ang kakasuhan ng MPD na umano’y sangkot sa pagpatay kay Castillo.
Dagdag ng heneral na mahigit isang dosena pang indibidwal ang madadagdag sa kanilang listahan na sasampahan ng kaso lalo’t may mga alumni ang dumalo sa initiation rites.