Arestado ang isa pang suspek na hawak ngayon ng PNP AKG kaugnay sa kaso ng kidnapping ni Elijah James Yap sa Quezon City.
Ito ay matapos maaresto ang suspek na si Lawrence Limbo alyas Renren – ng San Pascual , Obando , Bulacan.
Ayon kay Maj Rannie Lumactod – Spokesperson ng AKG, naaresto si Limbo sa follow-up operation ng kanilang mga tauhan habang siya ay nakikipag-inuman sa mga kaibigan.
Siya ang nagsilbing bantay sa safehouse kung saan itinago si Yap ng ilang araw sa Bustos, Bulacan.
Agad umano itong umamin sa krimen at sinabing P50, 000 lamang ang napunta sa kaniya mula sa P1.5 Million pesos na ransom na nakuha ng grupo.
Kinasuhan na rin ng kidnapping for ransom and serious illegal detention sa DOJ.
Tiwala si Lumactod na anumang araw ay maaaresto na din ang lima pang mga suspek sa pangunguna ni John Paulo Gonzales – asawa ni Ma. Rachel Erica Gonzales na unang naaresto ng mga tauhan ng AKG.
Matapos palayain ang biktima noong Jan 5,2021 sa Ermita, Manila ay agad na nagsagawa ng Backtracking Investigation ang mga tauhan ng AKG at natunton ang safehouse kung saan siya dinala.