MAKILALA COTABATO- Patay ang isang pasahero habang sugatan naman ang dalawang pulis matapos na barilin ng isa ding pulis sa loob ng bus habang binabaybay ang Brgy. Batasan, Makilala, Cotabato.
Nangyari ang insidente kaninang alas 2:30 ng madaling araw, December 28, 2024 habang sakay ng bus si PCpl. Alfred Sabas, isang active police na nakabase sa Fatima Police Station sa General Santos City kasama ang kanyang live-in partner.
Sa report ay binaril umano ni PCpl. Sabas sa ulo ang pasahero na kinilalang si Reynaldo Bigno Jr. na residente sa Sitio Flortam, Batasan, Makilala.
Habang ng nakarating ang bus sa checkpoint ng 1104th Regional Mobile Force Batallion 11 border control point sa New Opon, Magsaysay, Davao del Sur upang humingi ng tulong, binaril ng pulis na si PCpl.
Sabas ang mga kabaro nito na on-duty na sina PCpl. Kenth Maurith Ramos at Pat. Russel Love Tapia.
Ayon kay PBGen. Arnold Ardiente, OIC-Regional Director ng Police Regional Office(PRO)12 na nasa kustodiya na ng Magsaysay Police Station si PCpl. Sabas.
Dagdag ng opisyal, naikuwento ng suspek na inakala nitong bubunot ng baril ang pasaherong biktima kayat kanyang inunahan sa pagbaril.
Nabanggit din ng suspek na mayroon umano itong depresyon subalit iimbestigahan pa ito ng mga otoridad.
Kaagad na isasailalim sa inquest proceedings ang pulis ngayong araw at sasampahan ng kasong kriminal at administratibo.