-- Advertisements --

NAGA CITY – Patay ang isang ina habang comatose naman ang isang matandang pasahero matapos na araruhin ng isang pampasaherong bus ang dalawang bahay na nasa tabi ng kalsada sa P-6 Brgy. San Felipe, Basud, Camarines Norte.

Kinilala ang namatay na si Eleonor Corea na dead on the spot habang comatose naman ang isang pasahero ng bus na kinilala lamang sa pangalan na Periño na tinatayang 60-anyos na.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay P/Cpt. Diana De Vera, officer in charge ng PNP Basud, sinabi nito na binabaybay ng Peñafrancia Bus na minamaneho ni Cyrus Kim Teoxon ang kahabaan ng Maharlika Highway papunta sa bayan ng Daet nang mawalan ito ng kontrol at dumiretso sa dalawang bahay dahil sa madulas na kalsada dala ng pag-uulan.

Ayon kay De Vera, nagkataong nasa labas ng bahay si Corea at nag-iigib nang tubig.

Habang lulan naman ng bus si Periño na posible umanong tulog sa biyahe at tumama ang ulo sa bakal na bahagi ng sasakyan na naging sanhi ng kanyang pagka-coma.

Sa ngayon nasa kustodiya na ng PNP si Teoxon at posibleng maharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide at reckless imprudence resulting to serious physical injury.

Samantala, nakikipag-ugnayan na rin umano sa kanilang himpilan ang kompanya ng bus at sinagot na rin ang mga gastusin ng biktima.