-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Patay ang isang lalaki habang kritikal ang kanyang angkas matapos na bumangga ang kanyang minamanehong motorsiklo sa isang tricycle sa national highway na sakop ng Barangas Libas, Banga, Aklan.

Kinilala ang rider na si Remegildo Isturis, sa legal na edad habang malubha rin na nasugatan si Jhonrey Oquendo, 15, kapwa residente ng Brgy. Polocate sa naturang bayan.

Base sa report, pauwi na sana ang dalawa mula sa paaralan matapos na sunduin ang kanyang pamangkin sa Poblacion Banga, ngunit sinasabing naka-inom ito ng alak.

Sinasabing bigla umanong napunta sa kabilang linya ang motorsiklo na bumangga ng “head on” sa pampasaherong tricycle na minamaneho ng isang Vincent Romero, 46, residente ng Brgy. Agbanawan, Banga na may sakay na isang pasahero.

Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang rider na idineklarang dead on arrival sa isang pribadong ospital habang ang kanyang angkas ay patuloy na inoobserbahan sa Aklan Provincial Hospital dahil sa tinamong mga sugat sa katawan.

Pinapaniwalaang naka-idlip ang driver habang nagmamaneho.