-- Advertisements --

TACLOBAN CITY – Isa na ang kumpirmadong patay samantang isa naman ang naiulat na nawawala sa pagkasunog ng passenger vessel na MBCA Mama Mary Chloe sa bahagi ng karagatang sakop ng Bohol at Leyte.

Una nito, byahe mula sa Ubay, Bohol patungong Bato, Leyte ang nasabing barko nang masunog ito.

Ayon kay Lt. Edwin Villarino, deputy chief of police ng Hilongos, Leyte, aabot sa 163 na mga pasahero ang na-rescue ng mga otoridad sa nasabing insidente kung saan ilan sa mga ito ay dinala sa kanilang bayan.

Ayon rin sa inisyal na imbestigasyon, nakitaan na ng usok ang nasabing barko sa bisinidad pa lamang ng Ubay, Bohol kung saan pinatay muna ang makina nito at inobserbahan ng isang oras bago gamitin.

Nagpatuloy naman ang pagbyahe nito at habang papunta ito ng Bato, Leyte subalit bigla na lamang itong nasunog.

Sa ngayon ay nasa maayos na umanong kalagayan ang mga nailigtas na mga pasahero kung saan karamiha sa mga ito ay mga taga-Southern Leyte.

Engine failure ang nakikitang dahilan ng mga otoridad sa nasabing pagkasunog ng barko ngunit sa ngayong ay patuloy pa ang kanilang ginagawang imbestigasyon ukol dito.