-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Nakataldang isampa ngayong araw sa pamamagitan ng inquest proceedings ang kasong reckless imprudence resulting to homicide, physical injury at damage to property laban sa sundalong nasangkot sa car accident dakong alas-8:00 kagabi sa national highway ng Purok-4, Barangay Manapa, Buenavista, Agusan Del Norte.

Nakilala ang suspek na si Glen Burcion Amo, miyembro ng Philippine Army na taga-Tago, Surigao del Sur.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Patrolman Justin Bryan Bungalon, imbestigador ng Buenavista Municipal Police Station, na binabaybay ng kotseng minamaneho ng sundalo ang national highway patungong Butuan City nang biglang itong tumawid papasok sa eskinita ng naturang lugar.

Dahil dito kaya nabundol sa gilid ng sasakyan ang kasalubong na motorsiklo na minamaneho ni Sofronio Godoncillo Jr. habang angkas ang anak nitong si Sofronio Godoncillo III, parehong residente ng Brgy. Aklan, Nasipit, Agusan del Norte.

Mabilis namang dinala sa Agusan Del Norte Provincial Hospital ang nasabing mga biktima ngunit idineklarang dead-on-arrival ang ama habang nagtamo naman ng bali sa paa ang anak nito na ngayon ay nagpapagaling na sa ospital.

Inihayag pa ng imbestigador na may dalang helmet ang namatay na biktima ngunit hindi nito isinuot.

Nasa kustudiya na ng Buenavista Municipal Police Station ang sundalo at mga nasangkot na sasakyan sa para sa tamang disposisyon.