BACOLOD CITY – Tinutukoy pa ng mga pulis ang pagkakakilanlan ng suspek na bumaril sa maglive-in partner sa loob mismo ng kanilang bahay sa lungsod ng Bacolod.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod sa saksi na si Edward, dakong alas-7:00 ng umaga nang pumasok ang suspek sa bahay nina Rhanz Moore Banias, 29-anyos; at Mary Liza Pahamutang, 36-anyos, sa Purok Sigay, Barangay 2.
Sinasabing natutulog pa ang dalawa nang pumasok ang suspek na nakasuot ng bike helmet at naka-facemask.
Narinig pa ng mga kapitbahay na nagmamakaawa si Pahamutang na huwag barilin ang kanyang live-in partner ngunit sinundan ito ng anim na sunod-sunod na putok.
Dinala sa pagamutan ang dalawa ngunit dahil sa dalawang tama ng bala sa likod ng kanyang ulo at kanang kamay, binawian ng buhay si Banias.
Kritikal naman ang kalagayan ni Pahamutang makaraang magtamo ng sugat sa kanyang kaliwang mata at likod.
Ayon kay Bacolod City Police Office spokesperson P/Lt. Ma. Liberty Indiape, patuloy pa ang imbestigasyon kaugnay sa motibo sa krimen.
Aniya, inuusisa ngayon ang background ng mga biktima ngunit lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na may rekord si Banias sa Bacolod Police Station 2 kaugnay sa iligal na droga.