BACOLOD CITY – Isa ang patay habang isa rin ang sugatan sa limang inmates na tumakas sa Negros Occidental District Jail kahapon makaraang mabaril ng mga otoridad nang matunton ang tinataguan ng mga ito.
Ang limang pugante ay natunton sa Hacienda Veles, Barangay Blumentritt, Murcia, Negros Occidental.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Police Capt. Gerald Moya, hepe ng Murcia Municipal Police Station, tumawag sa police station ang punong barangay ng Blumentritt matapos magsumbong ang ilang mga residente na may nagnakaw ng kanilang pagkain at cellphone.
Sa pagresponde ng mga pulis, nagtugma ang description ng mga magnanakaw sa limang pugante na pinaghahanap ng Bureau of Jail Management and Penology na sina Francisco Epogon, ang lider ng Epogon robbery group; Marvin Celeste, kapatid nitong si Danilo Celeste, Alejandro Montoya at Daniel Tamon.
Kaagad ding nagresponde sa lugar ang BJMP personnel.
Ayon sa nakakitang barangay tanod, nagtago ang mga pugante sa puno ng kawayan ngunit sa kanilang pagtakas, nabaril ng mga pulis si Marvin Celeste na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.
Sugatan naman si Daniel Tamon, habang nakatakas sina Epogon, Montoya at kapatid ng namatay na si Danilo Celeste.
Tumulong na rin sa paghahanap ang mga kasapi ng 1st Negros Occidental Provincial Mobile Force Company (NOCPMFC).
Ayon sa hepe ng pulis, gumamit na sila ng drone upang madaling mahanap ang mga escapees sa malawak na plantasyon ng tubo.