-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Isa ang patay habang isa naman ang sugatan sa nangyaring karera ng mga motorsiklo sa lungsod ng Korondal.

Ito ang kinumpirma ni PSSgt. Fely Bascon ng Koronadal PNP-Traffic section sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Kinilala ang nasawi na si Clark Vincent Ibañez , 22 anyos may asawa at residente ng Purok Sto,Niño, Brgy. Saravia, Koronadal City habang ang sugatan ay si Deomar Farnazo Espia,31 anyos na residente naman ng Doña Lourdes, Brgy. Zone 2, nitong lungsod.

Ayon kay Bascon, tumilapon at bumangga sa isang tricycle ang sinasakyan nitong motor ni Ibañez habang nagkakarera sa kahabaan ng National highway , Gensan Drive, Brgy. Zone 3 lungsod ng Koronadal.

Lumabas din sa imbestigasyon ng mga otoridad at ayon din sa kuhang Closed-Circuit Televison (CCTV), na isa sa mga kasali sa drag race si Ibañez at mga barkada nito.

Napag-alaman na mabilis ang pagpapatakbo ni Ibañez ng kanyang motor at una itong nabangga ng kanyang kasamang nagkakarera at dahil nawalan ito ng kontrol natumba ang motor at nadamay ang isang tricycle na minamaneho naman ni Espia

Idineklara naman na dead on arrival si Ibañez pagdating sa South Cotabato Provincial Hospital habang nagtamo ng sugat sa ulo si Espia.

Sa ngayon, patuloy na nananawagan ang otoridad na sumuko na ang kasama ni Ibañez sa drag race na nakabangga sa kanya.