NAGA CITY – Patay ang isang construction worker habang sugatan ang foreman nito sa nangyaring hold-up incident sa lungsod ng Naga.
Kinilala ang namatay na si Aldrin Pida, 32, tubong Tigaon, Camarines Sur habang sugatan naman si Gelito Canoog, 57, ng Cebu City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay P/Maj. Joey Curre, hepe ng Naga City Police Station 4, sinabi nito na lulan ng motorsiklo ang mga biktima at papunta sanang Deca Homes Subdivision kung saan ang mga ito nagtatrabaho ng bigla na lamang harangin ng dalawang nakamotorsiklong mga suspek at pinaputukan ng baril.
Nagtamo umano ng tama sa kanilang dibdib ang mga biktima mula sa kalibre .45 baril.
Napuruhan aniya ang construction worker habang maswerte naman na nakaligtas ang foreman na ngayon ay nagpapagaling na.
Sa inisyal na imbestigasyon, posibleng matagal ng minamanmanan ng mga suspek ang mga biktima.
Alam umano ng mga suspek na may dalang malaking halaga ng pera ang mga ito.
Napag-alaman na kinuha ng mga suspek ang mahigit P100,000 halaga ng pera na pangsahod sana sa mga trabahador ng nasabing subdivision maging motorsiklo ng mga biktima.
Samantala, nakilala naman umano ng foreman ang isa sa mga suspek matapos itong manlaban at nahila ang helmet maging ang suot na takip sa mukha nito.
Sa ngayon nagpapatuloy na ang hot pursuit operation na isinasagawa ng otoridad para mahuli ang mga suspek.