CAGAYAN DE ORO CITY – Nahuli ng pulisya ang sinasabing pangunahing suspek sa pananaksak sa kaguluhan na kinasangkutan ng limang binatilyo sa Zone 4, Molugan, El Salvador City, Misamis Oriental.
Kinilala ang suspek na si John Vincent Palma, 18, residente ng nasabing lugar.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni El Salvador City Police Station commander P/Lt. Col. Randy Anito na nangyari ang kaguluhan nang pinagtulungan ang suspek na bugbugin ito ng kaniyang mga kainuman.
Aniya, self-defense lamang ang ginawa ni Palma kung kaya’t nasaksak nito ng maraming beses ang kasamahan na si Romiel Pudadera, 20, na siyang dead on arrival sa hospital habang kritikal naman si John Glen Lumocso, 19, na kabilang sa gumulpi sa kaniya.
Dagdag pa ni Anito na pawang magkakaibigan ang mga binatilyo at dahil sa kalasingan nangyari ang krimen.
Nahaharap ngayon sa kasong murder at frustrated murder ang nahuling suspek.