CENTRAL MINDANAO-Binawian ng buhay ang isang mangingisda at isa ang nasugatan sa pagsalakay ng mga armadong grupo sa lalawigan ng Maguindanao.
Nakilala ang nasawi na si Thoe Kusain Manabilang 25 anyos at sugatan si Kuno Hasan 62 anyos.
Tinangay naman ng mga suspek sina Mama Tanto Kusain ama ng namatay na si Thoe, at ang magkapatid na sina Tohami Salindatu at Mohaimin Salindatu, mga residente ng Barangay Libungan Northern Kabuntalan Maguindanao.
Ayon kay Abdulmaguid Kusain, nangingisda lamang ang mga biktima sa Rio Grande De Mindanao may dalawang daang metro lamang ang layo mula sa kanilang tahanan ng biglang silang paputukan ng mga hindi kilalang mga armadong kalalakihan gamit ang mga matataas na uri ng armas.
Patay on the spot ang isa sa mga biktima, isa naman sugatan at tingay naman ng mga suspek ang tatlong mangingisda.
Tumakas ang mga suspek patungong Mother Kabuntalan Maguindanao.
Nagalit ang mga suspek sa mga biktima na gumagamit umano ng kuryente sa pangingisda.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa bayan ng Northern Kabuntalan sa naturang pangyayari.