-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nagpapatuloy sa ngayon ang imbestigasyon ng mga otoridad sa nangyaring riot ng mga construction worker sa itinatayong municipal hall sa bayan ng Lambayong, Sultan Kudarat na nagresulta sa pagkamatay ng isa at pagkasugat naman ng isa pa.

Kinilala ni Maj. Jenahmeel Gelig Toñacao, hepe ng Lambayong PNP ang nasawing biktima na si Arnolfo Tene habang ang sugatan naman ay si Carlos Migo Palingkog, 51, na kapwa residente ng Purok III, Barangay Morales, Koronadal City, South Cotabato.

Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na habang kumakain ang dalawang biktima sa mismong bunk house ng ginagawang municipal hall sa Purok Rang-ay, Barangay Poblacion, Lambayong, Sultan Kudarat ay dumating ang mga suspek na sina Ganda Mama at Merao Mama na pawang mga construction worker din sa lugar.

Nagkaroon diumano ng mainit na pagtatalo at komusyon sa pagitan ng mga construction workers na nauwi sa pananaksak ni Ganda Mama sa dalawang biktima.

Matapos ang pananaksak ay agad na umalis si Ganda Mama at kasama nitong Merao Mama patungo sa hindi malamang direksyon.

Isinugod naman ng rumespondeng mga pulis ang dalawang biktima sa pinakamalapit na ospital ngunit idineklarang patay si Tenes habang sugatan naman si Palingkog.

Nakatakda namang sampahan ng kaukulang kaso ang dalawang tumakas na mga suspek.