NAGA CITY – Patay ang isang katao habang sugatan naman ang isa pa sa banggaan ng motorsiklo at kotse sa Provincial Road ng Brgy. Camaysa, lungsod ng Tayabas, Quezon.
Kinilala ang namatay na si Sally Elpa habang sugatan naman si Angelo Pon-An Villa Juan, driver ng motorsiklo.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga mula sa Quezon Police Provincial Office (QPPO), nabatid na habang binabaybay ng motorsiklong minamaneho ni Juan ang lugar kasama ang backrider na si Elpa ng bigla itong salpukin ng kotse na minamaneho naman si Fernando Tobias.
Kaugnay nito, nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan ang mga biktima na agad namang itinakbo sa ospital ngunit idineklara nang dead on arrival ng mga doktor ang backrider na si Elpa.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa naturang aksidente.