BAGUIO CITY – Nagpapagaling na sa pagamutan ang 11 katao na nasugatan nang mahulog sa bangin ang sinasakyan nilang pampasaherong jeep sa Sagubo, Kapangan, Benguet kagabi.
Batay sa report ng Kapangan Municipal Police Station, pauwi sa Gadang, Kapangan, Benguet ang nasabing jeep mula Baguio City lulan ng 15 na katao, kasama na ang driver na nakilalang si Carlito Manuel na pawang mga residente ng Gadang, Kapangan.
Sa imbestigasyon, pababa ng provincial road ang jeep ngunit nadulas ito kaya nawalan ng balanse na nagresulta sa pagkahulog nito sa bangin na may lalim na tinatayang aabot sa higit-kumulang 250 metro.
Kaagad namang nagresponde ang mga pulis, bombero at Municipal Disaster Risk Reduction and Management personnel matapos maireport sa kanila ang aksidente.
Dinala sa Benguet General Hospital ang anim sa mga pasahero kasama ang nasawing si Sarsenia Sapigao, 63-anyos.
Hindi na nito nakayanan ang medical treatment dahi sa natamo nitong multiple injuries partikular sa ulo.
Nananatili naman sa Kapangan District Hospital ang anim na iba pa habang agad nakalabas ng pagamutan ang tatlo pang pasahero ng jeep.
Inuwi na rin kaninang umaga sa kanilang tahanan sa Gadang, Kapangan, Benguet ang bangkay ng biktima.