-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Isa ang patay, 12 ang sugatan sa pagkahulog sa palayan ng 6X6 truck na sinakyan ng umaabot sa 30 mga pasahero na pawang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4P’s) beneficiaries habang patungo sa kabayanan ng Benito Soliven, Isabela.

Layon sana ng mga pasahero sa kanilang biyahe kaninang umaga ay para kunin ang kanilang mga benepisyo.

Ang nasawi ay ang chief tanod na si Robelino Amistad ng Baliao, Benito Soliven habang ang mga nasugatan ay nilalapatan ng lunas sa San Mariano Medicare Hospital.

Ang mag-asawang nasugatan na sina Judilyn at Jonathan Topinio ay dinala sa Gov. Faustino N. Dy Memorial Hospital sa lungsod ng Ilagan dahil sa mas malalang sugat na tinamo ng kanilang katawan.

Kabilang sa mga nasugatan ngunit nasa ligtas nang kalagayan ang 10-months old baby na karga pa ng kanyang nanay.

Napag-alaman ng Bombo Radyo Cauayan na hindi pa naaayos ang nasirang daan sa Barangay Baliao, Benito Soliven patungo sa kabayanan kaya dumaan ang 6×6 truck sa San Pablo, San Mariano kung saan naganap ang aksidente.

Sinabi ng mga nakaligtas na sakay ng truck na sina Leonard Ortaliza at Mary Ann Topinio na umiwas at tumabi sa daan ang kanilang sinasakyang truck matapos na makasalubong ang isang heavy equipment ng munisipyo ng San Mariano ngunit tumagilid ang kanilang sinasakyan hanggang sa nahulog na sa palayan.

Bumaligtad ang kanilang sasakyan at marami ang nasugatan.

Sinabi naman ng tsuper ng truck na si Rodalyn Ortaliza, 28, malambot ang lupa sa gilid ng daan na naging sanhi ng pagtagilid ng minamanehong sasakyan ba tuluyang nahulog sa palayan.

Bukod sa mga pasahero na sakay ng truck  may lulan din itong saku-sako ng kamoteng kahoy na ibinebenta sa bayan ng San Mariano, Isabela.