Isa ang kumpirmadong nasawi sa nangyaring sunog na tumupok sa isang compound sa Barangay Pinagbuhatan, Pasig City nitong Linggo ng umaga.
Ang nasabing sunog ay umabot sa Second Alarm na nagsimula bandang alas-3:47 kaninang madaling araw at naapula banda alas-6:23 ng umaga.
Ayon kay Fire Officer 3 Christopher Girao, fire investigator ng Bureau of Fire Protection-Pasig, nagmula ang sunog sa bahay ng isang residente na 58-anyos.
Nasa 30 bahay ang nasunog at nakaapekto sa 60 pamilya o nasa 120 katao.
Batay sa pahayag ng residente nasa labas at bumibili siya ng tinapay nang mangyari ang insidente.
Nasawi ang kaniyang 19-anyos na anak na lalaki, na naiwan sa kanilang tirahan.
Hindi umano tumawag ng tulong ang mga residente sa katabing bahay na pinagmulan ng sunog.
Ayon sa BFP Pasig, nahirapan sila sa pag-responde sa lugar dahil sa makikitid na eskinita.
Gawa rin sa mga kahoy at yero ang mga bahay kaya madaling nilamon ng apoy.
Sa ngayon patuloy pang inaalam ang halaga ng pinsala at ang sanhi ng insidente.