-- Advertisements --

NAGA CITY – Dead on the spot ang isang babae habang sugatan naman ang 14 iba pa matapos ang karambola ng tatlong saksakyan sa Port Junction, Ragay, Camarines Sur.

Kinilala ang binawian ng buhay na si Arlene Garcia, residente ng Catabagan Proper sa nasabing bayan at ang mga nasugatan naman ay tinatayang nasa edad 23 hanggang 66-anyos habang dalawa dito ay mga menor de edad .

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PMaj. Ryan Rimando, ang Office in Charge ng Ragay Municipal Police Station, sinabi nito na habang binabaybay ng SUV na minamaneho ni Angelo Brian Galang, 28-anyos, ang ruta papunta ng Naga City nang mawalan ito ng kontrol sa saksakyan dahilan upang mabangga nito ang isang L300.

Dahil sa lakas ng banggaan, tumagilid ang L300 habang lulan dito ang 12 katao.

Nagdire-diretso pa ang SUV at nabangga ang nakaparadang traysikel dahilan upang magtamo ng matinding tama ang tatlong sakay nito kasama na ang binawian ng buhay na si Garcia.

Samantala, kritikal naman ang kalagayan ng isa pa sa mga sakay ng traysikel na isinugod sa isang ospital sa Naga City.

Ayon kay Rimando, mabilis ang patakbo ng driver ng kotse dahilan upang mawalan ito ng preno at kontrol sa nasabing sasakyan.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad si Galang na nahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting to Homicide at Reckless Imprudence resulting to multiple physical injury.