(Update) TACLOBAN CITY – Tinitingnang ngayon ng mga otoridad kung may kinlaman sa paglubog ng M/V Lite Ferry 3 ang pagiging “unbalanced” o hindi balanse ang mga kargamento at bagahe sa nasabing barko.
Una rito, nag-iwan ng isang patay na crew at 15 sugatan ang paglubog ng passenger-cargo ship sa pantalan ng Ormoc City.
Ayon kay John Kevin Pilapil, information officer ng Ormoc City government, base sa report ng Philippine Coast Guard (PCG) bago pa man dumaong ang barko ay posibleng nakaengkwentro na ito ng malalakas na alon sa karagatan.
Sinasabing ito ang naging dahilan upang tumagilid ang barko at lumubog ito pagdating sa pier ng Ormoc.
Sa ngayon ay nananatili naman sa ospital ang mga sugatan na pawang mga crew ng M/V Lite Ferry 3.
Kaugnay nito, wala namang ipinatupad na suspensyon ng byahe sa naturang port kasunod sa nangyaring insidente kaninang madaling araw.