-- Advertisements --

KORONADAL CITY- Umabot na sa pitong barangay sa bayan ng Tampakan, South Cotabato ang apektado ng baha at landslide dulot ng walang humpay na pagbuhos ng ulan sa bayan ng Tampakan, South Cotabato.

Ito ang inihayag ni Mayor Leonard Escobillo sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Ayon kay Mayor Escobillo, isa na rin ang binawian ng buhay habang dalawang barangay ang na-isolate dulot ng pagkasira ng tulay dahil sa lakas ng current ng tubig baha.

Kinilala ang nasawi na si Jose Dodong Ibañes, 35 anyos at resident eng Barangay Lampitak, Tampakan, South Cotabato.

Ayon kay Mayor Escobillo, tumutulong si Ibañes sa paglilikas ng mga gamit ng kanilang kapitbahay nang bigla na lamang lumambot ang lupang kinatatayuan nito dahilan kung bakit ito nahulog at inanod ng tubig-baha.

Sinubukan pa itong iligtas ng ilang mga residente ngunit nabigo ang mga ito dahil sa malakas na pagragasa ng tubig.

Dagdag pa ng alkalde kabilang sa mga apektadong barangay ay ang Albagan, Buto, Danlag, Kipalbig, Lambayong, Liberty Lampitak, Maltana, Poblacion, Pula Bato, San Isidro at Tablu.

Sa ngayon, nasa higit 100 pamilya pa ang nasa evacuation center habang patuloy ang isinasagawang clearing operation sa mga daan na apektado ng landslide.

Maliban dito, may mga inanod din na hayop at sinirang mga pananim.

Nagpapatuloy din ang assessment at validation sa kabuuang pinsala na epekto ng kalamidad.