CEBU CITY – Patuloy pa ngayong pinaghahanap ng mga rescuer ang mag-inang missing sa nangyaring pagragasa ng tubig-baha sa Tinubdan Falls, sa Barangay Tabili, bayan ng Catmon, Cebu.
Kinilala ang mga missing na sina Princess Alastra, 7, at ang ina nitong si Javel Alastra, 32.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cebu kay Cebu Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) Officer III Wilson Ramos, sinabi nitong search and retrieval operation na ang isinagawa kung saan maliit na umano ang tsansa na buhay pa ang dalawa.
Ngunit umaasa pa rin ang disaster team officer na buhay pa ang mag-ina.
Kasama ng local disaster team ng Catmon, Cebu sa paghahanap ng mag-ina ang PNP at Bureau of Fire Protection (BFP).
Una nang nakita na wala ng buhay, pasado alas-9:00 kagabi, si Kent Jude Monterola, 17, sa isang imburnal sa kalapit na barangay sa nasabing falls.
Sa una ay makikitang mainit ang panahon at wala namang nagbabadyang trahedya ngunit sinabi ng PDRRMO na base sa kanilang monitoring makulimlim na ang area at inaasahan talaga ang pag-ulan kaya posibleng unang bumuhos ang ulan sa bukid at rumagasa ang tubig-baha papunta na sa nasabing falls.
Nabatid na pumunta ang pamilya sa nasabing falls upang sana’y isagawa ang kanilang family gathering nang nangyari ang hindi inaasahan.