-- Advertisements --

KALIBO, Aklan— Nasawi ang isa sa dalawang pahinante habang sugatan naman ang isa kabilang ang driver ng delivery truck matapos na mahulog ang nasabing sasakyan sa bangin sa Barangay Yapak sa isla ng Boracay.

Kinilala ang nasawi na si Randy Ambagan, 27-anyos at residente ng Barangay Libertad, Nabas habang patuloy naman na nagpapagaling sa Ciriaco Tirol District Hospital ang mga sugatan na sina RJay Rapiz, driver ng truck at isa pang pahinante na si Jaymar Donato.

Ayon kay P/Capt. Jesus Cambay III, deputy chief of police ng Malay Municipal Police Station, nagkaroon ng mechanical failure o nawalan ng preno ang sasakyan na may kargang semento papunta sa kanilang kliyente nang mapansin na mali ang kanilang dinadaanan kung kaya’t babalik sana ang mga ito ngunit nagkaaberya ang truck at sa kasamaang palad ay nahulog sa bangin na nasa 30 meters ang taas mula sa kalsada.

Mabigat aniya ang kanilang kargamento kung kaya’t tuloy-tuloy ang pagakahulog nito sa bangin at hindi nakatalon ang biktima na naging dahilan ng kaayang agarang pagkamatay.

Dagdag pa ni P/Capt. Cambay na mahaharap sa kaukulang kaso ang nasabing driver habang patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing insidente.