ILOILO CITY – Patuloy pa na pinaghahanap ng mga otoridad ang suspek na walang habas na namaril sa tatlong kalalakihan sa isang KTV bar sa Barangay Cagamutan Sur, Leganes, Iloilo.
Ang suspek ay si Carlos Hechanova, 47, residente ng Barangay Pajo, Zarraga, Iloilo at empleyado sa opisina ni Zarraga Vice Mayor Remia Sularan.
Patay sa insidente si Cyril Dela Torre, 52, residente ng Barangay Pagdugue, Dumangas, Iloilo na nagtamo ng sugat sa mukha.
Sugatan naman ang pamangkin nito na si Noel Dela Torre, 32, na nagtamo ng sugat sa paa at nasugatan rin sa kamay at paa ang cashier ng KTV bar na si Ezrah Prudente, 22, residente ng Barangay Tabucan, Dumangas, Iloilo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Police Lieutenant John Robles, Officer-in-charge ng Leganes Municipal Police Station, nagkagirian ang suspek at ang tiyuhin ni Cyril na si Ralph Dela Torre.
Kaagad namang bumunot ng armas ang suspek at pinagbabaril ang mga biktima.
Bukas naman ang pulisya sa pagsuko ng suspek na nahaharap sa kasong homicide at two counts ng frustrated homicide.