LA UNION – Dead on arrival sa Bacnotan District Hospital ang isang mister matapos itong maaksidente sa kahabaan ng Barangay Road na bahagi ng Barangay Sapilang sa bayan ng Bacnotan, La Union..
Nakilala ang namatay na biktima na si Orlado Gavina, nasa tamang edad at residente ng Barangat Lacong, sa bayan ng San Gabriel.
Ayon sa Bacnotan Police, tinatahak ng biktima ang nasabing kalsada na nakasakay sa motorsiklo ng mawalan umano ng kontrol sa manibela.
Bagama’t naitakbo pa sa ospital ay hindi na ito naagapan pa ng mga doktor.
Nasa impluwensya umano ng alak ang biktima ng mangyari ang aksidente.
Samantala, sugatan naman ang dalawang indibidual matapos na magtamo ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan matapos pagsasaksakin ng suspek sa Barangay Pantar sa bayan ng Balaoan sa lalawigan.
Nakilala ang mga biktima na sina Geraldin Sarmiento, 39, residente ng nabanggit na lugar, at Jhamer Cabanez, 29, binata, residente ng Camaniulugan, Cagayan.
Base sa isinagawang imbestigasyon ng Balaoan Police, pumasok umano ang suspek sa bahay nina Sarmiento na armado ng kutsilyo at pinagsasaksak nito si Cabanez na natutulog katabi ni Sarmiento.
Agad naman naitakbo sa Balaoan District Hospital ang mga biktima ngunit kalaunan at inilipat sa Ilocos Training Regional & Medical Center si Cabanez para sa karagdagang gamutan.
Agad naman sumuko ang suspek kay Punong Barangay Aristades Marron at kalunan ay ipinasakamay sa kustodiya ng mga otoridad.
Napag-alaman na nasa impluwensya ng alak ang suspek nang gawin nito ang krimen.
Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa nasabing pangyayari.