KORONADAL CITY – Nagpapatuloy pa ngayon ang imbestigasyon ng mga otoridad sa nangyaring pamamaril ng isang nag-amok na pulis sa isang apartelle sa Barangay Zone 3, Koronadal City na nagresulta sa pagkamatay ng isa at pagkasugat naman ng dalawang iba pa.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Lt. Col. Joedy Lito Guisinga, hepe ng Koronadal City Police Station, service firearm na M16 assault rifle mismo ng pulis na si Pat. Roland Lopez, 29, na residente ng Brgy.Topland Koronadal City at naka-assign sa South Cotabato 1st PMFC ang ginamit nito sa pamamaril.
Kinilala naman ang nasawi na si Chaci Canlas, graduating student, at residente ng Isulan, Sultan Kudarat habang ang mga sugatang kasamahan nito ay sina Joana Saptula, karelasyon ng suspek at residente rin ng Isulan Sultan Kudarat at isa pang Debie John Franco, 21, na taga-Purok Garcia Brgy. Rotonda sa nabanggit na lungsod.
Sa salaysay ng testigo na isang Manang Tata, pamangkin ng may-ari ng apartelle, mainit umano ang argumento ng magkasintahang Lopez at Saptula kagabi pa lamang dahilan upang ipinablotter ng mga biktima ang suspek.
Ngunit alas-2:00 kaninang madaling araw bumalik ang suspek dala ang kanyang service firearm, binasag ang bintana ng apartelle kung saan natutulog ang mga biktima at pinaulanan ng bala.
Dead on the spot si Canlas habang mabilis naman na isinugod sa ospital ang kanyang mga kasamahan.
Agad naman na tumatakas ang suspek matapos gawin ang krimen.
Kaugnay nito, mahigipit naman na kinondena ng Police Regional Office Region 12 (PRO-12) sa pangunguna ni Police Brig. Gen. Alexander Tagum ang pamamaril at agad naglabas ng reward money na P100,000 sa sinumang makapagtuturo sa kinaroroonan ng suspek.
Hustisya naman ang sigaw ng pamilya ng mga biktima at nananawagan sa mabilis na pagkakahuli sa suspek.