-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Binawian ng buhay sa ospital ang isang architect habang nasa kritikal na kondisyon naman ang manugang at apo nito makaraang masangkot sa aksidente sa national highway na sakop ng Barangay Carpenter Hill, Koronadal City pasado alas-2:30 nitong Sabado ng hapon.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nawalan ng kontrol ang pick-up na minamaneho ni Ramonito Octaviano papunta sa bayan ng Tupi kaya’t gumewang ito dahilan upang mahagip ng delivery van na minamaneho naman ng isang Leo Gallanggal na papunta naman sa lungsod ng Koronadal galing General Santos City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Galanggal, iniwasan pa nito ang pick-up ngunit nahagip pa rin dahil sa mabilis na takbo ng pick-up.

Nagpapasalamat na lamang si Gallangal na sugat sa tuhod lamang ang natamo nito.

Ngunit, hindi naman nasagip pa ang buhay ni Octaviano habang kabilang pa sa mga sugatan ang manugang at apo nito.

Napag-alaman na si Octaviano ay ang tumatayong presidente ng Person with Disability Affairs Office ng lungsod ng Koronadal.

Nagdulot naman ng trapiko sa national highway ang nabanggit na aksidente.