-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Isa ang nasawi at dalawa ang nasugatan sa bumaliktad na traysikad o payong-payong sa lalawigan ng Maguindanao.

Nakilala ang nasawi na si Kibo Minso, 35, habang sugatan sina Madjer Muhab, 18, at Bai Lawan Minso, 17, mga residente ng Barangay Tapian, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.

Ayon sa ulat pulisya, sakay ang mga biktima ng traysikad na minamaneho ni Muhab sa pababang kalsada ng Barangay Matuber Datu Blah Sinsuat nang bigla itong mawalan ng preno at bumulusok.

Bumaliktad ang payong-payong at nagtamo ng matinding sugat, bali at pasa ang mga biktima.

Agad tinulungan ng mga residente ang mga biktima at dinala sa pagamutan ngunit dineklarang dead on arrival si Minso habang nagpapagaling ang dalawa.

Bago nangyari ang aksidente ay galing umano ng Barangay Pura DBS ang mga biktima kung saan bumili ito ng kambing na kakatayin sa kaarawan ng isa sa mga biktima.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa Datu Blah Sinsuat sa naturang pangyayari.