Iniimbestigahan na ng mga otoridad ang nangyaring panibagong gulo sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City.
Nabatid na isang preso ang nasawi, habang dalawa ang nasugatan sa pananaksak.
Ayon kay NBP Acting Superintendent, Corrections Chief Inspector Roger Boncales, nangyari ito kaninang alas-7:15 ng umaga sa Gate 1-A, Quadrant 4 ng Maximum Security Compound.
Sa ngayon ay hindi muna isinapubliko ang pangalan ng nasawi, dahil ipinagbibigay-alam muna ito sa pamilya ng biktima.
Maging ang mga nasugatan ay hindi muna inilabas ang pagkakakilanlan, batay sa direktiba ng Bureau of Corrections.
Kaugnay nito, inatasan ng BuCor ang lahat ng mga namumuno ng operating prisons at penal farms na magpatupad ng mahigpit na pag-iingat sa mga pasilidad na kanilang pinangangasiwaan.