-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Isa ang patay habang 3 naman ang sugatan kabilang ang isang pulis sa nangyaring engkwentro sa pagitan ng pulisya at mga lawless armed group sa boundary ng Palimbang, Sultan Kudarat at Maitum, Sarangani province.

Ayon kay Police Major Darwin Castillo, tagapagsalita ng Sultan Kudarat PPO, maghahain sana ng arrest warrant ang joint forces ng CIDG 12 at Sultan Kudarat Police Intelligence Unit sa mga wanted person na sina Alias UTI at Maglam Tongkay sa Barangay Tuanadatu, Maitum, Saranggani province ngunit nanlaban ang mga ito kasama ang kanilang mga tauhan.

Nagresulta umano sa halos 30 minutong palitan ng putok ang operasyon sa layuning mahuli ang mga suspek na kapwa may kasong murder.

Dahil sa engkwentro tinamaan si PSMS Leo Darius Gregorio, na isa sa mga operatiba habang naiulat naman ang pagkamatay ng isa sa mga suspek na kinilalang si Ricky Sumbang Pagaligang at pagkasugat din ng 2 pang mga kasamahan ng mga ito.

Ngunit sa ngayon ay inaalam pa ang identity ng mga casualties sa kabilang panig.

Agad naman umanong nag-withdraw ang mga operatiba at dinala sa ospital ang sugatang si Gregorio.