-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Nasawi ang isang drilling machine helper at sugatan ang tatlo nitong kasamahan nang makuryente at masunog ang sinakyan nilang boom truck sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang nasawi na si Tino Ubatay Cabiltes, 27-anyos, may asawa at nakatira sa Lower Natubo, Brgy. Hassan, Misamis Oriental.

Sugatan naman sina Joel Salan Mandang, 33, boom truck driver, Benjamin Dominguez 27, operator na taga Barangay Damatag, Bukidnon at si Jhonray Uyhok, 35, helper at taga Dumaguite City.

Ayon kay SFO1 Connie Anton ng Kabacan Bureau of Fire Protection (BFP), nagsagawa ang mga biktima ng soil testing sa Block 3, River Side, Sitio Lumayong Barangay Kayaga, Kabacan Cotabato.

Aksidenteng nasagi ng boom truck ang live wire ng Cotabato Electric Cooperative (Cotelco) at nangisay ang mga biktima.

Dahil sa lakas ng boltahe ng kuryente nasunog ang boom truck.

Patay on the spot si Cabiltes dahil tumama mismo sa kanyang katawan ang malakas na boltahe ng kuryente at nasunog pa ang katawan nito.

Tatlo sa kasamahan nito ang tumalon sa trak at nagtamo ng sugat sa katawan na dinala sa pagamutan.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng BFP at pulisya sa bayan ng Kabacan sa naturang pangyayari.