KORONADAL CITY – Hinigpitan pa sa ngayon ng mga otroidad ang kampanya laban sa mga smugglers matapos ang pagkasawi ng isang suspek at pagkasugat naman ng 3 iba pa sa inilunsad na entrapment operation sa Barangay Upper Baguer, Pigcawayan North Cotabato.
Ito ang kinumpirma ni Police Major Jayson Baynosa, hepe ng Pigcawayan PNP sa panayam ng Bombo Radyo.
Kinilala ang nasawi na si Vhan Mangcog Ali, 40 anyos habang sugtaan naman ang kasama nitong si Tahir Musa, 53 anyos, kapwa residente ng Pagalungan, Maguindanao matapos manlaban sa mga otoridad.
Habang, sugatan din ang dalawa pang indibidwal na nadamay lamang kung saan sakay ang mga ito ng Town Ace Jeep na binangga ng sasakyan ng mga suspek.
Ayon pa kay Baynosa, ang entrapment operation ang inilunsad laban sa grupo ni Ali na sangkot sa pagbebenta ng mga smuggled cigarettes.
Dagdag pa ng opisyal, pinahinto nila ang sasakyan ng mga suspek ngunit sa halip na huminto ay humarorot ng takbo sabay paputok sa operating team kaya’t nangyari ang shootout.
Dahil sa palitan ng putok tinamaan si Ali na naging dahilan ng pagkamatay nito habang dinala naman sa ospital upang magamot ang kasama nito.
Narekober sa sasakyan ng mga suspek ang siyam (9) na boxes ng Fort cigarettes na nagkakahalaga ng P135,000 pesos, 2 pakete ng pinaniniwalaang shabu, caliber 45 na loaded ng magazine na may anim (6) na bala; 1 fire cartridge case ng .45 Caliber Pistol at P11, 000 na cash. Dagdag pa ni Baynosa, matagal na nilang sinu-surveillance ang mga suspek dahil sa pagkakasangkot sa illegal na aktibidad.
Sinampahana naman ng kaukulang kaso ang mga ito.