-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Dead on arrival sa pagamutan ang pangulo ng Habal-Habal motorcycle association dakong alas-7:10 nitong Sabado ng gabi sa siyudad ng Cotabato.

Nakilala ang nasawi na si Mohammad “Moks” Esmail, 45, residente ng Purok Talisay Barangay Rosary Heights 7 Cotabato City.

Sugatan naman nang tamaan ng mga ligaw na bala sina Arsenio Agustin 51; pitong taong gulang na anak nitong si Gecel; at driver ng payong-payong na si Bong Imba Diocolano, 21, pawang nakatira sa Purok Imba, Barangay RH-7.

Ayon sa ulat ng Cotabato City Police Office sa pamumuno ni PCol. Portia Manalad na lulan si Esmail sa kanyang motorsiklo patungong Sinsuat Avenue ngunit pagsapit niya sa harap ng Estosan Hotel sa Governor Gutierrez Avenue Barangay RH-7 ay bigla itong dinikitan ng riding in tandem suspects at pinagbabaril gamit ang .45-caliber na pistola.

Mabilis namang tumakas ang mga suspek habang naisugod sa Cotabato Regional and Medical Center (CRMC) ang mga sugatan ngunit idineklarang dead on arrival ng mga doktor si Esmail nang magtamo ng maraming tama ng bala sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan.

Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng Cotabato City PNP sa naturang pangyayari.