CENTRAL MINDANAO – Patay ang isang miyembro ng Moro National Liberation Front (MNLF) at tatlo ang nasugatan sa pananambang sa Maguindanao.
Nakilala ang nasawi na si Turbo Maton habang sugatan si Kumander Datu Ali Camino at dalawa niyang mga tauhan na sina Datu Saudi Maulana at Jocker Ampatuan.
Ayon kay Maguindanao Police Provincial director Colonel Jibin Bongcayao na tinambangan ang grupo ni Kumander Camino ng mga hindi kilalang mga armadong kalalakihan sa Purok Waling waling, Sitio Kakal, Brgy Mao Datu Abdullah Sangki, Maguindanao.
Kahit sugatan ang mga biktima ay gumanti sila ng putok sa mga suspek.
Umatras umano ang dalawang grupo nang matunugan nila ang mga nagrespondeng sundalo at mga pulis.
Isa ang patay at tatlo ang nasugatan sa panig ng MNLF habang hindi matiyak sa mga kalaban.
Sinabi ni Col. Bongcayao na si Kumander Camino ay may warrant of arrest sa kasong murder at matagal nang pinaghahanap ng mga otoridad.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Datu Abdullah Sangki PNP sa naturang pangyayari.