GENERAL SANTOS CITY – Hindi na nadala pa sa pagamutan ang driver ng isang pedicab matapos maipit ang kanyang paa matapos mabangga sa nakasalubong na motorsiklo.
Bago ito makuha sa pagkakaiipit ay biglang lumiyab ang kanyang pedicab na ikinasunog nito.
Habang sugatan naman na dinala sa pagamutan ang apat pang biktima.
Kinilala ni Police Major Benjie Ancheta, hepe ng Malapatan Municipal Police Station ang biktima na namatay na si Anthony Aro Abrasado 37 taong gulang, residente ng Purok Pag-asa, Koronadal City South Cotabato.
Papunta ng Glan Sarangani Province ang pedicab habang papunta naman sa General Santos ang motorsiklo na maneho naman ni Roy Dalondong 26 taong gulang na residente ng Purok Kulasi, Brgy. Labangal nitong lungsod.
Nangyari ang insidente ng biglang pumasok sa lane ng pedicab ang motorsiklo na nagresulta sa pagsalpok.
Nasa pagamutan naman ang apat na biktima na nagtamo ng mga sugat at mga pasa.
Ayon sa pulisya kung nakuha lang sana kaagad ang biktima hindi sana ito nasunog.
Nangyari ang insidente sa Poblacion Malapatan Sarangani kaninang umaga.