DAVAO CITY – Patay ang isang police, habang sugatan naman ang apat na iba pa matapos tambangan ng mga armadong kalalakihan ang kanilang convoy sa Kilometer 26, Barangay Tikalan, Talakag, Bukidnon, alas-6:40 kaninang umaga.
Batay sa initial report na natanggap ng Police Regional Office 11 (PRO 11), kasama umano ng naturang convoy si P/B/Gen. Joselito Salido ng PNP Directorate for Integrated Police Operation.
Samantala, kinumpirma ni P/Maj. Eudisan Gultiano, spokesperson ng PRO-11, nasa ligtas na kalagayan si Salido.
Kinilala lamang ang napatay na police na isang “Corporal Sumayno,” samantalang ang mga nasugatan naman ay kinilalang sina Staff Sgt. Guinella; Police Chief Inspector Malinab; Police Capt Gighe; at isa pa nga hindi nakilala.
Inihayag ni Gultiano na pumunta sa Bukidnon si Salido upang magsagawa ng operational readiness performance audit sa kanilang tropa.
Kaagad namang nagpadala ng re-enforcement ang militar at pulisya sa naturang lugar upang habulin ang mga armadong kalalakihan na pinaniniwalaang mga kasapi ng New Peoples Army.