NAGA CITY – Nagpapagaling pa ang limang katao kasama ang dalawang menor de edad matapos maaksidente ang sinasakyang jeep sa Barangay Camaysa, Tayabas City.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga, nabatid na habang binabaybay ng jeep na minamaneho ni Randy Largo Malate, 45, ang kalsada sa naturang lugar nang aksidenteng matanggal ang isa sa mga gulong ng sasakyan.
Kaugnay nito, nawalan ng kontrol ang driver sa sasakyan hanggang sa mahagip nito ang isa pang jeep na minamaneho naman ni Allan Jaspeo Catuera bago tuluyang nahulog sa palayan.
Kaugnay nito nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi si Malate at ang anim na pasahero nito na agad namang itinakbo sa ospital.
Ngunit dahil sa malalang tama sa katawan, idineklara nang dead on arrival ng mga doktor ang isa sa mga pasahero na kinilalang si Ederlyn Cauyan Malate, 47.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa nasabing insidente.