-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Umaabot na sa 417 pamilya ang lumikas dahil sa engkuwentro ng magkaaway na pamilya sa probinsiya ng Cotabato.

Sa ulat ng 602nd Brigade, nagkasagupa ang pamilyang Macarimbol at Taha sa Brgy. Tumbras Midsayap North Cotabato.

Tumagal ng kalahating araw ang palitan ng putok sa magkabilang panig resulta nang pagsilikas ng maraming mga sibilyan patungo sa mga ligtas na lugar sa takot na maipit sa kaguluhan.

Kinompirma ng mga evacuees na isa umano ang nasawi at lima ang nasugatan sa bakbakan ng magkaaway na grupo.

Ang pamilya Macarimbol at Taha ay may matagal ng personal na alitan sa lupa na kanilang sinasaka at awayan sa pulitika.

Humupa lamang ang engkuwentro nang magresponde ang puwersa ng 34th Infantry Battalion Philippine Army at pulisya.

Agad namang namahagi ng tulong ang Team Serbisyong Totoo at Ratsada Midsayap sa pangunguna ni Board Member Rolly Sacdalan sa mga pamilyang lumikas.

Namigay rin ng tulong sa mga bakwit ang local government unit (LGU)-Midsayap sa pamamagitan ni Karl Ballentes ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) sa mga pamilyang lumikas.

May mga tao nang inatasan si Cotabato Governor Emmylou ”Lala” Taliño Mendoza para ayusin ang alitan ng dalawang pamilya.