(Update) CENTRAL MINDANAO – Umakyat na sa 80 pamilya ang nagsilikas sa gitna ng engkuwentro ng mga armadong grupo sa Cotabato.
Sa ulat ng 602nd Brigade, nagkasagupa ang mga armadong tagasuporta ng pamilya Silongan at Madidis sa Barangay Kadigasan, Midsayap, North Cotabato.
Sinubukang awatin ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) Task Force Ittihad ang dalawang naglalabang pamilya ngunit pinaputukan din sila gamit ang mga matataas na uri ng armas.
Dahil sa takot na maipit sa gulo ay lumikas ang 80 pamilya patungo sa mga ligtas na lugar.
Humupa lang ang bakbakan nang mamagitan ang mga matataas na opisyal ng MILF, gayundin ang Muslim elders at mga lokal na opisyal.
Ang dalawang grupo ay kapwa miyembro ng MILF ngunit may personal na alitan sa lupa na kanilang sinasaka.
Isa naman ang napaulat na nasawi at dalawa ang sugatan sa pamilya Madidis, samantalang dalawa ang sugatan sa pamilya Silongan at dalawa rin ang nagtamo ng sugat sa Task Force Ittihad ng MILF.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang pagsisikap ng mga Muslim elders, opisyal ng MILF, militar, pulisya at mga lokal na opisyal ng bayan ng Midsayap, para maresolba ang giriian ng dalawang pamilya.