NAGA CITY – Patay ang isang motorista habang nagpapagaling naman ang limang iba pa sa karambola ng mga apat na sasakyan sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Candelaria, Quezon.
Kinilala ang namatay na si Elmer Ramallosa Enriquez, 34, habang sugatan naman ang mga sakay at driver ng apat pang sasakyan na sina Johnrick Jetro Morante Agustin; Allan Capuli Ayuyao; Jaymond Tapayan Gubalane; John Joseph Cahiles Simara; at Allan Aguilar Angeles.
Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Naga mula sa Quezon Police Provincial Office (QPPO), napag-alaman na habang binabaybay ng isang motorsiklo ang kahabaan ng kalsada sa naturang lugar ay nag-overtake ito sa sinusundang van at pickup.
Ngunit nawalan ng kontrol ang driver ng naturang motorsiklo na nauwi sa karambola.
Dahil sa malakas na impact ng karambola, nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mga sakay nito na agad na itinakbo sa ospital ngunit hindi na naagapan an buhay ni Enriquez.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa nasabing insidente.