-- Advertisements --

DIPOLOG CITY – Patay ang isang miyembro ng Dawlah Islamiyah-Abu Sayyaf Group sa nangyaring engkwentro sa pagitan ng tropa ng pamahalaan laban sa naturang grupo sa Brgy Lapaz, Alicia, Zamboanga Sibugay.

Batay sa report, nilusob umano ng tropa ng militar ang hideout ng isang Furuji Indama, leader ng Dawlah Islamiya-ASG na nakabase sa Basilan na may standing warrant of arrest hinggil sa pagkakaugnay nito sa nangyaring kidnapping sa Dos Palmas Palawan noong 2001 matapos umano nilang makatanggap ng ulat hinggil sa mga kahina-hinalang indibidwal sa lugar.

Nasugatan naman sa engkwentro ang dalawang sundalo at tatlong mga sibilyan.

Samantala, positibong kinilala ang nasawi na si Idris Aquilon na may kaugnayan sa naturang grupo at sa Sahibad Group.

Nakuha naman mula sa lugar ang tatlong rifle grenade, magazine, bandolier, at iba pang mga uri ng bala at pampasabog.

Sa ngayon ay patuloy pa ang ginagawang hot pursuit operation ng mga militar para sa possibleng pagkakahuli ng mga tumakas na kasapi ng bandidong grupo.